Isusumbong ng labor groups sa Pangulong Rodrigo Duterte si Labor Secretary Silvestre Bello III.
Ito ayon kay Renato Magtubo, Spokesman ng Nagkaisa Labor Coalition ay dahil hindi sinunod ni Bello sa inisyung department order ang kautusan ng Pangulong Duterte na tuluyang burahin ang contractualization, agency hiring at sistemang ‘endo’ o end of contract.
Sinabi sa DWIZ ni Magtubo na mahigpit nilang tinututulan ang agency hiring kung saan nagsisilbing middleman employer ang mga ahensya.
“Tawag nga namin diyan mga middleman, ang buhay ng mga manggagawa sa ilalim nila ay contractual talaga kasi nangongontrata lang sila sa principal, patuloy na walang security of tenure, ang buhay ng mga manggagawa diyan ay puro minimum wage, karamihan sa mga agencies ay nagbibigay ng minimum wage, andun pa rin ang problema kaya sabi ng Presidente sa dialogue namin noong Feb. 27 sa kanya, ayaw niya ng agency kaya tingin namin ay hindi nasunod ang direktiba ng Presidente na tapusin na ang contractualization at agency hiring.” Ani Magtubo
Samantala, hindi rin ginamit ni Bello ang kanyang awtoridad para tuluyang ipagbawal ang contractualization, agency hiring at sistemang ‘endo’ o end of contract.
Sinabi ni Magtubo na mayroong mga trabaho na pang-regular halimbawa sa PAL o Philippine Airlines ang pinapa-contract out tulad ng baggage handlers, ticketing officers at catering.
“Ano na ang matitira sa kanya? piloto at flight stewardess? lahat ng yun puwedeng contract out so laganap pa rin ang contractualization sa hanay ng manggagawa kaya ang tanong nga namin anong nilutas ng department order na ito kasi ang pinakamalaganap ngayon na contracting out yung regular na trabaho at ang pag-iral ng agencies sa pagitan ng principal at manggagawa, yan ang pinakabuod ng contractualization sa ngayon na hindi na-address ng department order na ito, hindi totoo na walang kapangyarihan si Secretary Bello, meron siya sa Article 106 ng Labor Code, may kapangyarihan siya to prohibit contracting out of services.” Pahayag ni Magtubo
By Judith Larino | Ratsada Balita (Interview)