Positibo ang ALU-Trade Union Congress of the Philippines na mapagbibigyan ang kahilingan nilang ipagbawal na ang pagpapasuot sa mga empleyadong babae ng sapatos na mataas ang takong.
Ayon kay Alex Tanjusay, Spokesman ng ALU-TUCP, nangako si Labor Secretary Silvestre Bello III na magpapatawag ng pulong ng labor groups at ng mga employers lalo na ng mga mula sa malls.
Sinabi ni Tanjusay na matagal nang problema ito at marami na silang natatanggap na reklamo ng mga manggagawa na walong oras na nakatayo sa kanilang trabaho habang nakasuot ng sapatos na mataas ang takong.
“Ang problemang ito yung kanilang daing sa sakit at sa hirap magtrabaho, ang mga sales lady na ito ay contractual hindi po sila organized, wala silang unyon para iparating ang kanilang grievances so nakiusap sila sa amin, napakasakit daw po nito eh at matagal na nilang iniinda ito at hindi raw safe para sa kanila.” Ani Tanjusay
Wage hike
Samantala, umapela sa Pangulong Rodrigo Duterte ang labor groups na pakialaman na ang mababang pasahod sa mga manggagawa.
Ayon kay Alex Tanjusay, Spokesman ng ALU-TUCP, batay sa mga pag-aaral, umaabot lamang sa P357 pesos ang tunay na halaga ng P491 pesos na minimum wage sa Metro Manila.
Dahil dito, lalo pa anyang dumami ang bilang ng mga Pilipino na nabubuhay sa pinakamahirap na lebel.
Nais ng ALU-TUCP na dagdagan ng P148 piso ang kasalukuyang minimum wage.
“Kaya po hinihingi na namin ang intervention ni Pangulong Duterte na kung maaari ay kalabitin niya ang mga miyembro ng wage board at sabihan na huwag naman magbigay ng napakababang dagdag sahod at ang ating mga manggagagwa ang nadedehado, ang mangyayari kapag nagtaas ng substantial na sahod ay maaapektuhan lamang yung profit nila, hindi yung kapital, mababawasan lamang ng bahagya.” Pahayag ni Tanjusay
By Len Aguirre | Ratsada Balita Interview