Sususpendihin pansamantala ng Department of Labor and Employment o DOLE ang kanilang pag – iinspeksyon sa mga business establishment ngayong panahon ng kapaskuhan.
Ayon kay Labor Undersecretary Joel Maglunsod, hindi muna magpapatupad ang kanilang kagawaran ng labor inspection simula Disyembre 8, 2017 hanggang Enero 7, 2018 para maiwasan ang posibleng panunuhol sa kanilang mga tauhan.
Paliwanag ni Maglunsod, bagamat walang intensyong tumanggap ng regalo ang kanilang mga tauhan ay maaari naman silang masuhulan kaya ito ang kanilang iniiwasan.
Tiniyak naman ng DOLE na patuloy silang tatanggap ng mga reklamo mula sa mga empleyado at agad itong aaksyunan kahit na may umiiral na suspensyon sa labor inspection.