Panahon na umano upang ayusin ang lahat ng butas at malabong probisyon sa Labor Law para sa ikabubuti at kapakanan ng mga manggagawa.
Ayon kay Senador Leila de Lima, ang mga malabo at kaduda-dudang probisyon sa Labor Law ay karaniwan ng ginagamit para apihin ang mga manggagawa kaya’t dapat ng ayusin ang nasabing batas.
Pinaka-tampok at napapanahon anya na problema sa Labor Law ang pag-iral ng kontraktuwalisasyon o end of contract na mas kilala sa tawag na “Endo.”
Ito, anya, ay may epekto sa mga pangunahing usapin kaugnay sa mga manggagawa tulad ng seguridad sa hanapbuhay, sapat na sweldo at karapatan sa pag-o-organisa at pakikipag-negosasyon sa employer.
Samantala, ipinunto ni De Lima na ang pagwawakas ng Endo ay hindi otomatikong pagtatapos ng kontraktuwalisasyon dahil mas maraming komplikadong issue ang dapat resolbahin.