Mananatili lamang ang deployment ban ng Pilipinas sa bansang Kuwait kung malalagdaan na ng tuluyan ang Memorandum of Understanding sa pagitan ng dalawang bansa para protektahan ang mga OFW.
Iyan ang ginawang paglilinaw ni Labor Secretary Silvestre Bello III taliwas sa naunang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na permanente nang ipatutupad ang deployment ban sa naturang bansa.
Ayon kay Bello, posibleng “taken out of context” ang naging pahayag ng Pangulo dahil batid naman aniya ng lahat na humihingi ng katarungan ang Pilipinas sa sinasapit ng mga kababayang Pinoy na nagtatrabaho sa Kuwait.
Gayunman, sinabi ni Bello na kaniyang lilinawin mismo sa Pangulo ang kaniyang naging sagot sa tanong ng media nang umuwi ito sa bansa nuong linggo mula sa kaniyang biyahe sa Singapore.
Pero kahapon, sinasabing nagkasagutan umano sina Bello at Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa isinagawang pulong sa Palasyo ng Malacañang.
Ayon sa report ng pahayagang Philippine Star, tila umabot pa sa sigawan at sisihan ang pag-uusap nila Cayetano at Bello sa kung sino ang dapat sisihin sa nangyaring kontrobersiya na nagresulta ng lamat sa relasyon ng Pilipinas at Kuwait.
Pero ayon sa report, nangyari umano ang sagutan at sigawan sa pagitan ng dalawang kalihim bago pa man umalis ang Pangulo patungo sa Singapore.
—-