Hindi pa matiyak ni Government Peace Panel Chief at Labor Secretary Silvestre Bello III ang magiging tugon ng CPP – NDF o Communist Party of the Philippines- National Democratic Front sa imbitasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaugnay ito ng paghikayat ni Pangulong Duterte kay CPP Founding Chairman Joma Sison na umuwi ng Pilipinas para dito idaos ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan.
Ayon kay Bello, posibleng pag-isipan pa itong mabuti ng komunistang grupo lalo’t kabilang si Sison sa listahan ng mga international terrorist ng Estados Unidos.
“Pag iisipan din nila yan kaya lang may international implication yan dahil alam mo naman na si Joma na siya ang chief committee consultant ng NDF-CPP-NPA ay nataguriang terorista ng gobyerno ng Amerika. Baka pag-alis niya dun, baka damputin siya kaya medyo kailangan muna ng diplomatic approach dito sa problemang ito.”
Gayunman, tiniyak ni Bello na nananatiling pursigido si Pangulong Duterte na ipagpatuloy at tapusin hanggang dulo ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at CPP-NDF.
“Napag-isipan po ng ating pangulo para matiyak na tuloy tuloy na ang usapang pangkapayapaan, eh sinabi niya na i ano nalang ang pag-uusap so maliwanag na seryoso ang ating presidente na tapusin na talaga ito para nang sa ganon ay magkaroon na tayo ng panghabang-buhay na kapayapaan sa ating bansa.”