Kinumprima ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang kanyang paghahain ng aplikasyon para maging susunod na Ombudsman kapalit ni Conchita Carpio Morales na nakatakda namang magretiro sa Hulyo.
Ayon kay Bello, nais niyang tulungan si Pangulong Rodrigo Duterte sa kampanya nito kontra korapsyon kaya nagkaroon siya ng interes sa posisyon ng Ombudsman.
Nagsumite na ng aplikasyon si Bello sa Judicial and Bar Council noong Biyernes, Mayo 11 at kanyang nakumpleto ang lahat ng kinakailangan dokumento kahapon, Mayo 15.
Magugunitang si Bello ay nagsilbi rin bilang dating kalihim ng Department of Justice at Solicitor General noong panahon ng administrasyong Ramos.
“Nakikita ko naman na ang number one na programa ng Pangulo ay ang anti-corruption, so ang sabi ko tumulong ako ng konti sa kanya na malinis ang gobyerno, ‘yung makatulong man lang ako sa kanya dahil alam mo naman hirap na hirap siya sa kanyang programang anti-corruption.” Pahayag ni Bello
(Balitang Todong Lakas Interview)