Kapwa nakumpirma na sa Commission on Appointnent sina Secretaries Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice at Benjur Abalos ng Interior and Local Government habang hindi nakalusot sa ad interim appointment si Labor Secretary Bienvenido Laguesma.
Ito’y makaraang magkulang sa oras sa dami ng tanong ni Senator Risa Hontiveros.
Ayon kay Hontiveros, ipinatanong sa kanya ang ilang labor group bagay na mahalagang masagot ni Laguesma upang matiyak na ma-poprotektahan ang kapakanan ng mga manggagawa sa ilalim ng kanyang panunungkulan.
Lumabas sa pagdinig na dating nag-abogado ang law firm ni Laguesma sa ilang malalaking kumpanya para sa mga kaso laban sa mga manggagawa.
Iginiit ng senador na may nagsasabi na ang dating law firm ni Laguesma ay pro-management at union buster sa labor mobilization kaya’t paano umano nito ipaglalaban ang karapatan ng mga obrero.
Bilang tugon, inihayag ng kalihim na kung sino ang nasa tama ang bibigyan ng atensyon ng DOLE at nilinaw na nag-divest o umalis na siya sa law firm na kanyang itinatag.
Simula anya nang ma-appoint siya bilang DOLE secretary ay wala na umano siyang kinalaman sa mga kasong hawak ng law firm.
Gayunman, nanaig ang mosyon ni Hontiveros na suspendihin hanggang September 20 ang confirmation hearing ni Laguesma dahil marami pa umanong pumapasok na mga tanong mula sa iba’t ibang labor union. — Sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)