Nangibabaw ang Labour Party ni Prime Minister Jacinda Ardern sa katatapos na general election sa New Zealand.
Kasabay nito, wagi rin si Ardern sa halalan habang nag-concede na ang kalaban nitong si Judith Collins.
Ayon sa Electoral Commission, hinakot ng Labour ang 49% ng kabuuang boto habang 27% naman ang nasungkit ng National.
Sinasabing nakakuha ng malawak na suporta mula sa mga botante si Ardern bunsod ng mas maigting o agresibong kampanya nito laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa kanilang bansa.
Sa loob ng ilang buwan, nakapagtala lamang ang New Zealand ng halos 2,000 kaso kung saan 40 dito ang active cases habang 25 ang mga nasawi.