Aalamin muna ng Senado ang kabuuang halaga ng available na calamity fund ng pamahalaan, NDRRMC fund at Local Disaster and Risk Reduction Management Fund (LDRRMF).
Ito ang inihayag ni Senador Panfilo Lacson bago aniya aprubahan ang hinihinging P30-B supplemental budget ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal.
Ayon kay Lacson, posibleng naipon ang LDRRMF ng mga apektadong LGU’s kung hindi naman ito nagastos dahil walang tumamang matinding kalamidad sa kanilang lugar sa nakalipas na limang taon.
Aniya, maaari pa nila itong magamit bilang special fund sa kasalukuyang pag-aalburuto ng Bulkang Taal.
Sinabi ni Lacson, kanilang ikukunsidera sa pagtalakay ng senado sa hirit ng Pangulo na supplemental budget, ang posibilidad na may sapat na pondo ang mga lugar na apektado ng pagsabog ng Bulkang Taal.
Binigyang diin naman ni Lacson na hindi ito nangangahulugang hindi niya suportado ang agarang pagpasa nabanggit na budget measure bagkus ay pag-aaral lamang kung sapat o sobra ang hirit na 30-B supplemental budget. — ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)