Hinimok ni Senador Panfilo Lacson ang Malakanyang na sampahan ng reklamo si dating Philippine Charity Sweepstakes Office General Manager Alexander Balutan matapos itong sibakin sa pwesto dahil sa umano’y katiwalian.
Ayon kay Lacson, sa kanyang palagay ang mga nakalap na impormasyon at naging aksyon ni Balutan nang isalang ito ng Senate committee on games and amusement sa imbestigasyon dahil sa alegasyon ng kurapsyon kaugnay sa STL ang siyang naging batayan sa pagkakasibak nito sa pwesto.
Binigyang diin ni Lacson na nararapat lamang na kasuhan na ng pamahalaan si Balutan ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Sinabi naman ni Senador Sherwin Gatchalian, matagal na dapat sinibak sa pwesto si Balutan.
Tinukoy ng senador ang paggasta nitong aabot sa P6 million para sa magarbong Christmas party ng PCSO noong 2017.
Ilang makapangyarihang personalidad nasa likod ng pagkakasibak kay Ex-PCSO GM Balutan
Itinuturo ni dating PCSO o Philippine Charity Sweepstakes Office General Manager Alexander Balutan sa ilang aniya’y makapangyarihang tao ang kanyang pagkakasibak sa pwesto.
Ayon kay Balutan, tinawagan siya ni Executive Secretary Salvador Medialdea at sinabing may ilang personalidad aniya ang nais na mawala maalis siya sa pcso.
Bagama’t hindi na ito idinetalye pa ni balutan, kanyang ipinahihiwatig na may kinalaman ito sa operayon ng STL o Small Town Lottery.
Binigyang diin pa ni Balutan, mismong siya ang humihiling na maimbestigahan para malinis aniya ang kanyang pangalan laban sa alegasyong sangkot siya sa katiwalian.
Nakahanda rin siyang humarap sa anumang klase ng imbestigasyon maging sa Kongreso.