Suportado ni Sen. Panfilo Lacson ang naging panawagan ni Senate President Vicente Tito Sotto III sa pamunuan ng Facebook Philippines na gumawa ng hakbang para labanan ang mga troll para gamitin sa halalan 2022.
Ayon kay Lacson, hindi na dapat mag-aksaya ng panahon ang sinuman para patulan ang mga troll sa halip ay dapat silang i-report at i-block upang hindi na makapaminsala.
Ito aniya ang mabisang solusyon sa ngayon habang hinihintay ang magiging hakbang ng facebook philippines at iba pang social media platforms hinggil sa lumalalang problema sa mga troll account.
Ilan sa mga indikasyon na troll ang isang account ani Lacson ay ang kawalan ng main profile nito sa Facebook, paggamit ng iba’t ibang larawan bilang profile photo, laging nagpo-post ng mapanirang pahayag at pare-pareho ang ginagamit na mensahe sa iba’t ibang account.
Una nang ibinunyag ni Lacson na isang Undersecretary ang nanghihikayat na gumawa ng dalawang troll farms sa bawat lalawigan upang palakasin ang propaganda sa nalalapit na halalan.—ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)