Iginiit ni Sen. Panfilo Lacson na mayroon siyang karapatan na magsalita sa isyu ukol sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Ayon kay Lacson, hindi man siya abogado tulad ni Pangulong Rodrigo Duterte, ngunit batay sa huli niyang nabasa sa konstitusyon malinaw na nakasaad na may kinalaman ang senador sa mga international agreements na pinapasok ng pamahalaan.
Dapat aniyang i-refresh ng Pangulo ang kaniyang memorya sa pamamagitan ng pagbabasa sa article VII section 21 ng 1987 Constitution kung saan nakasaad na walang anumang tratado o international agreement ang magkakaroon ng bisa maliban na lang kung niratipikahan o inaprubahan ito ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng senado.
Magugunitang sinabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Sen. Lacson na wala itong kinalaman sa isyu ng gobyerno sa VFA kaya sa susunod ay komunsulta daw muna ito sa kaniyang abogado bago magsalita.