Ilang miyembro ng gabinete ng Pangulong Rodrigo Duterte ang di umanoy kontra sa desisyon ng pangulo na ipawalang bisa ang Visiting Forces Agreement (VFA).
Ibinunyag ito ni Senador Panfilo Lacson base sa anya ay pakikipag usap nya sa ilang cabinet members.
Gayunman, marami ang takot at may agam-agam kung dapat ipa-abot sa pangulo ang kanilang posisyon dahil tila buo na ang desisyon dito ng pangulo at naipadala na ang notice of termination.
Tumanggi ang senador na banggitin kung sinu-sino ang mga tinutukoy nyang miyembro ng gabinete na kontra o mayroong reservation sa termination ng VFA.
Ayon kay Lacson, may mga posible pang mangyari para huwag maisakatuparan ang termination ng VFA.
Meron anyang nakabinbing petisyon ang Senado na nagsusulong o humihingi ng clarification kung dapat bang dumaan muna sa pag apruba ng Senado ang pag atras ng bansa sa isang tratado o international agreement —ulat mula kay Cely Bueno (Patrol 19).