Isiniwalat ni Sen. Panfilo Lacson na isa lamang mula sa apat na C130 aircraft ang nagagamit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa disaster and relief operations.
Ginawa ni Lacson ang pahayag sa isinagawang budget deliberations ng senado para sa pondo ng Department of National Defense (DND) na aabot sa P215-B.
Ayon kay Lacson, naglaan ng P2-B ang Kamara para sa pagbili ng AFP ng heavylift transport aircraft sa ilalim ng 2021 general appropriations bill.
Paliwanag ng defense department, isinasailalim sa pagkukumpuni ang isa habang ang dalawa pa ay nasa Portugal kung saan, isa rito ay due for fly out na habang ang isa ay under maintenance pa rin.
Dahil dito, umaasa si Lacson na madaragdagan ng isa pa ang gumaganang C130 ng militar sa buwan ng Disyembre upang lalong mapabilis ang ginagawang paghahatid ng tulong sa mga nasalanta ng sunod-sunod na kalamidad.