Marami pang kakaining smuggled na bigas si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon bago ito matuto.
Ito ang patutsada ni Senador Panfilo Lacson matapos na hilingin ni Faledon na mailipat sa Senate Committee of the Whole ang inihain nitong ethics complaint laban sa senador.
Paliwanag ni Lacson, kino-convert lamang sa Committee of the Whole ang Senado sa pamamagitan ng isang senate resolution o pormal na mosyon sa plenaryo na pagbobotohan pa ng mga senador.
Kasabay nito, sinabi rin ni Lacson na tila nais pa panghimasukan ni Faeldon ang trabaho ng mga senador.
Una nang inihayag ng Senate Ethics Committee na hindi nila aaksyunan ang inihaing reklamo ni Faeldon laban kina Lacson at Senador Antonio Trillanes hangga’t hindi ito dumadalo sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee at kung hindi kikilalanin ang proseso ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
(Ulat ni Cely Bueno)