Nagpatutsada si Senador Panfilo Lacson sa pagbale-wala ng pamahalaan sa pangingisda ng China sa Recto Bank na bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Sa kanyang Twitter account, inilagay ni Lacson ang Article 12, Section 2, paragraph 2 ng konstitusyon kung saan nasasaad na dapat protektahan ng gobyerno ang yamang dagat ng bansa sa kanyang teritoryo at exclusive economic zone at ireserba ang lahat ng yaman nito para sa mga Pilipino.
Humingi ng tulong si Lacson sa netizens para hanapin sa probisyong ito ng konstitusyon ang salitang kaibigan.
Matatandaan na sinabi ng Pangulong Rodrigo Duterte na pwedeng mangisda ang China sa Recto Bank na bahagi ng EEZ ng Pilipinas dahil kaibigan sila ng bansa.
Nilinaw naman ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi grant para mangisda ang ibig sabihin ng pangulo kundi pagkunsinti lang sa gagawin nilang pangingisda sa teritoryong eklusibo lamang dapat sa mga Pilipino.