Nagpahayag ng pagkaalarma si Sen. Panfilo Lacson kaugnay sa walang takot na pagpatay sa mga Mayor na sinasabing kabilang sa narco list o listahan ng mga pulitiko na umano’y sangkot sa iligal na droga.
Ayon kay Lacson, akala niya dati ay nangyayari lang ang ganitong serye ng pagpaslang sa mga sinasabing sangkot sa illegal drugs sa mga pelikula na nagpapakita ng mafia o gangland style na executions noong mga panahon ng drug syndicate na pinamumunuan ng tulad nina Pablo Escobar ng Colombia at El Chapo ang Mexican drug lord at dating lider ng international crime syndicate na Sinaloa cartel.
Iginiit ni Lacson na hanggang sa ngayon hindi na reresolba ang mga naganap na pagpaslang sa mga lokal na opisyal na dawit umano sa iligal na droga.
Una rito, dumistansya si Pangulong Rodrigo Duterte sa sunod-sunod na pagpatay sa mga nasa narco list sa pagsasabing hindi sa kaniya ang naturang listahan sa halip ito raw ay compilation ng intelligence report mula sa drug enforcement agency at mula sa PNP at militar.