Pinabulaanan ng kampo nina Senator Ping Lacson at Senate President Tito Sotto ang ulat na umurong na sila sa pagtakbo sa pagka-Pangulo at pangalawang Pangulo sa 2022 National Elections.
Ayon kay Ashley Acedillo, tagapagsalita ng Lacson-Sotto tandem, fake news lamang o walang katotohanan ang ikinakalat na balita ng ilang kampo laban sa kandidaturang dalawang Senador.
Naka-full speed na anya tambalan at patuloy na lumalakas ang base sa personalidad at grupo na sumasanib o nagbibigay ng suporta sa kanilang dalawa.
Isang patunay nito ang pagdalo ng dalawa sa event ng partido reporma sa Tagum City, Davao Del Norte upang pangunahan ang panunumpa ng suporta at pagiging miyembro ng mahigit 200 katao.
Iginiit ni Acedillo na inaasahan na nila ang mga desperadong hakbang ng mga kalaban upang siraan sina Lacson at Sotto habang papalapit na ang paghahain ng Certificate Of Candidacy. —sa panulat ni Drew Nacino