Tila nagpasaring si Senador Panfilo Lacson sa kaniyang Twitter account kaugnay sa umano’y ‘selective’ na pagsibak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga opisyal nito na sangkot sa katiwalian.
Batay sa post ni Lacson sa kaniyang Twitter, mistulang tinutukoy nito si dating Bureau of Customs (BOC) Commissioner Nicanor Faeldon na nasasangkot sa pagkakapuslit ng 6.4 bilyong pisong shabu shipment.
Subalit kamakailan ay itinalaga ng Pangulo si Faeldon bilang Deputy Administrator ng Office of Civil Defense (OCD) kahit pa ito’y nakakulong sa Senado dahil sa patuloy na pagtanggi na dumalo sa pagdinig sa nasabing isyu.
Magugunitang, sunod-sunod ang pagpapatalsik sa puwesto ng Pangulo kabilang na si Terry Ridon na Chairman ng Presidential Commission for the Urban Poor dahil sa umano’y madalas nitong pagbiyahe sa labas ng bansa.
At, ang buena mano ng taon na si Maritime Industry Authority (MARINA) Administrator Marcial Amaro III nang dahil din sa madalas na foreign trips.
To one corrupt official: YOU’RE FIRED!
To another corrupt official: YOU’RE HIRED!— PING LACSON (@iampinglacson) January 3, 2018