Naniniwala si Senador Panfilo Lacson na mas magiging matagumpay ang pakikipag-usap sa mga rebelde sa pamamagitan ng localized peacetalks.
Sinabi ni Lacson na mas mabuti ang localized peacetalks kaysa national peacetalks na ilang dekada na aniyang ikinakasa.
Ayon pa kay Lacson hindi lahat ng lokal na pamahalaan ay may matinding problema hinggil sa New People’s Army at may ibang LGU na walang problema sa mga rebelde.
Higit aniyang batid ng local officials ang mga isyu kumpara sa nalalaman ng mga pambansang opisyal.
Gayunman inihayag ni Lacson na dapat maging malinaw lang sa mga lokal na opisyal ang kanilang trabaho sakaling ikasa ang localized peacetalks.
Binigyang diin ni Lacson na kailangang makakuha ng sapat na suporta mula sa national government at mga otoridad sa kung ano ang maaari nilang i-alok sa mga rebelde sa paghimok sa mga ito na magbalik loob na sa pamahalaan. — ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)