Umasa si Senador Panfilo Lacson na kasama sa ibi-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa inaprubahang 2018 national budget ang isiningit ng ilang mga mambabatas na malalaking pork barrel allocations.
Ayon kay Lacson, ilan sa mga isinamang pet projects ng ilang mambabatas ay hindi kabilang sa isinumite noong local development plans at hindi dumaan sa pagsusuri at pagaaral sa kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.
Iginiit pa ni Lacson na bagama’t karapatan ng mga senador at kongresista na magsulong ng amendments sa pambansang budget, karaniwan aniya itong nakakadisril sa mga priority programs ng pamahalaan.
Gayundin, dagdag ni Lacson na madalas na personal o may vested interest ang isinusulong na amendments o isinisingit na pork barrel allocations ng mga mambabatas.
(Ulat ni Cely Ortega- Bueno)