Hindi isinasantabi ng mga otoridad ang lagay ng panahon bilang isa sa posibleng dahilan sa pagbagsak ng isang helicopter sa Bulacan na ikinasawi ng isang kilalang negosyante at dalawang iba pa.
Ito ay sa kabila ng pahayag ng ilang mga testigo na maaliwalas ang panahon nang mangyari ang insidente.
Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Spokesperson Eric Apolonio, hindi maaaring sabihing normal o maayos ang kondisyon sa ere dahil lamang malinaw o walang ulap na nakikita sa himpapawid.
Aniya may tinatawag na clear air turbulence na hindi nakikita ng mga mata.
“May mga factor po ‘yan eh kasi yung mga clear air turbulence hindi nakikita ng tao ‘yan. Kagaya ng nabanggit ko kanina talagang kailangan yung mga imbestigador ang mag-analyze dahil visually nakita nila na clear but may mga factors po na tinatawag na clear air turbulence malaking bagay po yan. Kahit po sa commercial aircraft kaya pinag-seseatbelt pinalalagay sa atin kahit na maayos eh bigla na yan nangyayari.” Pahayag ni Apolonio.
Samantala , tiniyak ni Apolonio na kanilang mahigpit na iimbestigahan ang pangyayari lalo’t nabigyan naman aniya ng permit to fly ang bumagsak na helicopter.
“Lahat naman ng lumilipad na helicopter dito sa Pilipinas bago man o luma meron procedure ang safety check niyan so from CAAP pati yung piloto. Kaya hindi natin malaman ngayon kung ano talaga ang nangyari dahil definitely bago…ineensure namin yan bago permit to fly sumunod sila doon panuntunan ng ating definite agency.” Ani Apolonio.