Haharap na sa mas mabigat na parusa ang mga kawani ng gobyerno na hihingi ng lagay mula sa mga nagpapa-ayos ng kanilang mga lisensya o iba pang dokumento.
Ito’y matapos magpa-alaala si Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko na huwag mangiming soplahin ang mga humihingi ng higit pa sa dapat na ibayad sa isang transaksyon para lamang mapabilis ang proseso nito.
Ayon kay Atty. Jeremiah Belgica, Dir. Gen. ng Anti-Red Tape Authority, may bagong batas ngayon na umiiral na tinatawag na ‘ease of doing business and efficient government service delivery act’.
Sa ilalim aniya nito, ang mga simpleng transaksyon ay dapat na matapos sa loob ng tatlong (3) araw habang pito (7) hanggang 20 araw naman sa mga kumplikadong transaksyon.
Kaugnay nito, nagpapaalala ang Anti-Red Tape Authority sa lahat ng ahensya ng gobyerno, city hall at munisipyo na dapat nang sundin ang naturang batas simula sa Agosto 4.
Nagbabala rin ang kagawaran na may mga ipapadalang sikretong aplikante sa mga umano’y notorious na ahensya at munisipyo para subukan kung nagbago na ang kanilang sistema.