Gugulong ang imbestigasyon ng senado in-aid of legislation hinggil sa kontrobersyal na tanim o laglag-bala modus sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bukas, November 12, alas-10:00 ng umaga.
Ayon kay Senador Serge Osmeña, Chairman ng Senate Committee on Public Service, imbitado sa pagdinig sina Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Joseph Emilio Abaya at Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Jose Angel Honrado.
Inimbitahan din aniya niya ang mga naging biktima ng bullet planting at ang PNP Aviation Security Group.
Ayon kay Osmeña, sa oras na maging handa na ang report ng NBI sa naturang usapin, iimbitahan din nila sa pagdinig ang ilang mga naaresto.
Kumbinsido ang senador na mayroong sindikato sa NAIA para makapaghuthot ng pera sa mga travellers at maging sa mga Overseas Filipino Workers.
Sa pinakahuling datos, umaabot na umano sa 115 ang biktima ng laglag bala ngayong taon mula sa 12 noong 2014.
By Meann Tanbio