Ilalaglag ng mga Overseas Filipino Workers o OFW’s sa 2016 elections ang lahat ng miyembro ng Liberal Party o LP.
Ayon kay Mic Catuira, Deputy Secretary General ng Migrante, laglag boto ang pantapat nila sa kapabayaan ng pamahalaan sa mga OFW’s.
Tinukoy ni Catuira ang kawalang aksyon ng gobyerno sa laglag bala sa NAIA na karaniwan anyang nagiging biktima ay mga overseas workers.
“Yan pong laglag boto ay nakita naman po natin kasi ang kawalan ng aksyon ng gobyerno sa pagtugon sa mga problema ng mga migranteng Pilipino, ito po ay nag-umpisa pa noong magkaroon ng balikbayan box issue, nakikita po natin na lahat ng eskema ng mga sindikato o yung panghuhuthot ng gobyerno ang tangi po niyang biktima ay mga OFW kaya ito’y bilang ganti sa pagiging pabaya po nila.”
“Ito po yung isa sa mga natatanging pamamaraan namin para ma-pressure ang gobyerno pero sa tingin namin dahil ito po ay talagang marami na sa ating mga OFW ang naniniwala na dapat talagang i-boycott ang LP dahil sa kapabayaan nila.” Ani Catuira.
Ayon kay Catuira tila naging agenda na ng administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino ang ipagwalang bahala ang mga OFW’s.
Dahil dito, maliban sa laglag boto, may mga ililinya pa aniya silang protesta laban sa Aquino administration kabilang na ang posibleng paglulunsad uli ng no remittance day.
“Parang naging agenda na po ng gobyernong Aquino na pabayaan talaga ang mga OFW kaya ngayong eleksyon eto yung matitikman nilang ganti ng mga OFW, dapat meron pa po tayong aksyon na iniisip, na hindi lamang ito ang kaya nating gawin.” Pahayag ni Catuira.
By Len Aguirre | Ratsada Balita