Walang kapangyarihan si Justice Secretary Vitaliano Aguirre para isailalim si Janet Lim Napoles bilang state witness sa kaso kaugnay ng Priority Development Assistance Fund Scam (PDAF).
Ito ay ayon kay Albay Representative Edcel Lagman matapos naman makapasok sa provisional coverage ng Witness Protection Program (WPP) si Napoles.
Iginiit ni Lagman, batay sa isang seksyon sa rules of court on criminal procedure at witness protection security and benefit act, ang special prosecutor ng Office of the Ombudsman ang maaaring magdetermina kung kwalipikado si Napoles maging state witness.
Gayundin, sinabi ni Lagman na ang Sandiganbayan kung saan nililitis ang kaso ni Napoles ang tanging may otoridad at hurisdiksyon para gawin itong state witness.
Dagdag ni Lagman, malinaw ding hindi maituturing si Napoles bilang “not most guilty” sa kaso lalu’t ito ang inaakusahang mastermind sa multibilyong Pisong pork barrel scam at nagsagawa nito.