Nakapagtala na ng unang kaso ng 2019 coronavirus disease (COVID-19) ang lalawigan ng Laguna.
Ito ang kinumpirma ni Laguna Governor Ramil Hernandez sa pamamaghitan ng kanyang Facebook post, ngunit hindi pa malinaw kung kabilang na ang nasabing kaso sa 111 confirmed virus cases na inihayag ng Department of Health (DOH).
Ayon sa post ni Hernandez, nasa pangangalaga na ngayon ng mga kinauukulan ang pasyente, kung saan ang impormasyon umano ay mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Tiniyak naman ng gobernador sa mga residente ng Laguna na ginagawa ng lokal na pamahalaan ang mga tamang panuntunan sa ganitong sitwasyon.
Dinagdag pa ng local government unit (LGU) official na patuloy ngayon ang ugnayan ng provincial at city government units upang magsagawa ng contact tracing at validation sa mga nakasama ng pasyente.
Hiniling naman ni Hernandez sa kanyang mga kababayan na makiisa para sa kabutihan at seguridad ng lahat.