Pinayuhan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang mga residenteng naninirahan malapit sa paanan ng bulkang Mayon na maging alerto at handa para sa posibleng pagdaloy ng lahar.
Kabilang ito sa mga minomonitor na epekto ng pagpasok sa Pilipinas ng bagyong Tisoy na posibleng magdala ng may kalakasang mga pag-ulan.
Sinabi ni Phivolcs director Usec. Renato Solidum, hindi nila inaalis na posibleng bumaba ang post-eruption lahars sa mga river channels na naipon at magdulot ng makapal na pyroclastic density current (PDC) material at mga abo na dala ng pag-aalburoto ng bulkan na unang nangyari noong Enero hanggang Marso ng taon 2018.
Nagbabala din si Solidum na masusing bantayan ng mga local disaster management officials ang mga residente na naninirahan sa hazard areas at agad na palikasin sakaling tumaas na ang water level.
Samantala, nananatili namang nasa alert level 2 status o moderate level of unrest ang bulkang Mayon.
Kabilang din sa pinababantayan ni Solidum ang ilang deposito na naipon sa bulkang Bulusan sa Sorsogon ang pinatututukan rin ng Phivolcs.