Umagos na pababa sa isang barangay sa bayan ng Irosin, Sorsogon ang lahar mula sa bulkang Bulusan matapos ang malakas na pag-ulan sa naturang lugar.
Ayon sa PHIVOLCS, dakong ala-7 ng gabi noong Linggo nagsimulang umagos ang maliit na volume ng lahar sa Calang Creek, barangay Cogon.
Na-detect ito ng seismic at infrasound stations ng PHIVOLCS sa Bulusan volcano network at tumagal ng halos isang oras sa kalagitnaan ng thunderstorm sa lalawigan.
Binalaan naman ng ahensya ang mga residente malapit sa estero na maghanda sa posible pang lahar flow sa oras na muling umulan.
Magugunitang naglabas ng thunderstorm advisory ang PAGASA sa Bicol region noong Linggo ng gabi.
Nananatili sa Alert level 2 ang Bulusan volcano sa kabila ng mga Phreatic Eruptions nito noong June 5 at 12.