Naka-quarantine ang lahat ng elected officials ng Magpet Municipal Government sa Cotabato province.
Ayon sa DILG Region 12, ang mga opisyal na ito ay nagpositibo sa COVID-19 habang ang iba naman ay nagkaroon ng close contact sa mga nag-positive sa virus.
Dahil dito, napilitan ang DILG na italaga ang Municipal officer nito bilang pansamantalang tagapagbantay ng bayan upang maiwasan ang tinatawag na “leadership vacuum” o kawalan ng mamumuno para mag-desisyon at tumugon sa mga usapin sa naturang bayan.
Una rito, napaulat ang hindi pagpasok sa trabaho noon pang nakaraang linggo ni Magpet Mayor Florenito Gonzaga.
Hanggang sa nitong Lunes, ay kinumpirmang nagpositibo ng sa COVID-19 ang Alkalde, sa ngayon aniya ay nasa mabuti siyang kalagayan at tiniyak na magbabalik trabaho sa oras na tuluyang gumaling na ito at matapos ang quarantine.
Tumayo namang Acting Town Mayor noong Biyernes si Vice Mayor Rogelio Marañon matapos may magkumpirma sa kaniya sa kalagayan ng Alkalde.
Ngunit kinailangan din ni Marañon na sumailalim sa isolation makaraang mapag alaman niya na labing isang Councilors na dumalo sa kanilang regular council session ang nagpositibo sa COVID-19.