Pasado na ang lahat ng mga estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) sa second semester/trimester ng school year 2019-2020.
Inanunsyo ito ni PLM President Emmanuel Leyco kasunod ng matinding epekto ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Batay sa inilabas na memorandum inaprubahan ng board of regents ang alternative grading system matapos ang isinagawang special meeting noong April 21.
Kabilang sa mga kondisyon para mabigyan ng pass mark ang estudyante na naka-enroll sa second semester/trimester ng school year 2019-2020ay makapagsumite ang graduating under graduate student na naka-enroll sa thesis writing ng final thesis sa college at kailangang maaprubahan ng thesis adviser subalit hindi na kailangang dumaan sa panel defense, makumpleto ng estudyante na naka-enroll sa internship course ang alternative activities na i-aassign ng college.
Nakasaad pa sa memorandum na ang pass mark ay hindi magiging bahagi ng general weighted average ng estudyante at hindi maaaring magamit para sa scholarships, retention o academic honors.
Samantala nagpasya rin ang faculty members ng Department of Journalism ng University of the Philippines-Diliman na ipasa na ang kanilang mga estudyante.
Kabilang dito ang lahat ng mga naka enroll sa journalism, communication at media studies courses ngayong school year.
Nag desisyon din ang journalism faculty members sa ginawang online faculty meeting na ang mga estudyanteng naka enroll sa J200 o thesis ay dapat makipag ugnayan na lamang sa kanilang advisers para sa kaukulang guidance.