Suspendido na ang pasok sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan simula sa Lunes, Marso 16 hanggang sa Abril 14.
Ini-anunsyo ito ng Pangulong Rodrigo Duterte matapos isailalim sa community quarantine ang buong National Capital Region (NCR) at itaas sa code red sub level 2 ang banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ayon sa pangulo, maglalagay lamang ng skeletal force sa mga ahensya upang matiyak na maipagpapatuloy ang pagbibigay ng serbisyo sa publiko.
Hinikayat naman ng Pangulo ang pribadong sektor na magpatupad ng flexible work arrangement.
Samantala, pinalawig pa ang suspensyon ng klase sa lahat ng antas Sa Metro Manila hanggang sa Abril 12 at bawal ang anumang klase ng mass gatherings.
Magpapatuloy naman ang operasyon ng lahat ng mass public transport kabilang ang LRT at MRT.
Inatasan ng Pangulo ang Department of Transportation (DOTr) na maglabas ng guidelines para tiyaking masusunod ang social distancing.
Gayunman, ang mga pampublikong sasakyan na papasok at palabas ng Metro Manila ay uspendido na simula sa Marso 15.