Inilaglag na ng Lakas-Christian Muslim Democrats o LAKAS-CMD si Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo bilang kanilang kandidato sa pagka-alkalde ng naturang bayan sa May 13 midterm elections.
Ito’y makaraang akusahan si Baldo na mastermind sa pagpatay kay AKO-BICOL Partylist Rep. Rodel Batocabe at bodyguard nitong si SPO2 Orlando Diaz.
Nagpadala na ng liham si LAKAS-CMD Executive-Director Bautista Corpin Jr sa Commission on Elections bilang abiso sa pormal na pagbasura sa certificate of nomination at acceptance na inisyu ng partido sa alkalde.
Ayon kay Corpin, hindi kinukunsinte ng kanilang partido ang anumang uri ng karahasan na kinasasangkutan ng kanilang mga miyembro kaya’t matapos ang masusing pag-aaral ay nagpasyang ibasura na ang nominasyon ni Baldo.
Si Batocabe ang makakalaban sana ng kasalukuyang alkalde sa mayoralty race sa halalan.
Partidong LAKAS CMD, nag-withdraw na ng nominasyon at suporta kay Daraga Mayor Carlwyn Baldo matapos itong tukuyin ng pulisya bilang mastermind sa pagpaslang kay Rep. Batocabe pic.twitter.com/Ovx5btkTeT
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) January 6, 2019