Nakahanda na ang lahat ng ‘Lakbay Alalay’ centers ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na itinalaga sa mga pangunahing lansangan sa buong bansa.
Layon ng ‘Lakbay Alalay’ na respondehan ang anumang emergency situation sa mga kalsada ngayong Semana Santa.
Maliban dito, kumilos na rin ang mga tauhan ng DPWH na linisin ang mga daan sa anumang mga sagabal na maaring magdulot ng aksidente o pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Pinaalis na din ng DPWH ang mga sasakyang iligal na nakaparada sa mga tabing daan pati na rin ang mga illegal vendors sa mga national highway para sa mas maluwag at maaliwalas na mga kalsada.
Coast Guard
Huwag maging pasaway ngayong Semana Santa.
Ito ang paalala ng Philippine Coast Guard sa mga pasaherong sasakay ng barko o bangka ngayong Semana Santa.
Ayon sa PCG, huwag nang magbitbit ng mga bagay na ipinagbabawal gaya ng matatalim na bagay, flammable liquid, mga paputok at iba pa upang hindi na anila maabala pa.
Kung may dalang armas, tiyakin din anila na kumpleto ang dokumento ng mga ito.
Samantala, pinayuhan din ng Coast Guard ang mga magsisipag-uwi sa mga lalawigan na pumunta sa pantalan, 3 oras bago ang kanilang biyahe upang hindi maipit sa dagsa ng mga pasahero.
By Ralph Obina