Papatawan ng mabigat na parusa ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga kandidato at kanilang mga taga-suporta na lalabag sa election campaign rules sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay DILG Spokesman at Undersecretary Jonathan Malaya, nakadepende ang parusa sa paglabag sa COMELEC Resolution 10732.
Nanawagan naman si malaya ng kooperasyon sa mga pulitiko, taga-suporta at partido na sumunod sa umiiral na guidelines.
Ito, anya, ay upang maiwasan din ang paglabag sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na mas mahigpit kumpara sa rules ng COMELEC.
Maaaring madiskwalipika na umupo sa posisyon o makaboto sa mga susunod pang halalan ang mga lalabag habang ang mga susuway sa minimum public health standards ay makukulong ng isa hanggang anim na buwan at magmumulta ng 20,000 hanggang 50,000 pesos.
Kabilang sa mga pinagbabawal ang house-to-house campaigning kahit may pahintulot sa may-ari, pagkuha ng larawan at pamamahagi ng pagkain at inumin.