Inaresto ng mga otoridad ang isang lalake na nakilalang si Jeffrey Datuin, 24-anyos, matapos mahulihan ng 22 caliber pistol sa Pasay City Hotel kung saan naka-book ang ilang delegado ng ASEAN Summit.
Base sa ulat ng pulisya, unang nadiskubre ang dalang baril at mga bala ni Datuin nang inspeksyunin ng mga gwardya na nasa entrada ng hotel ang kanyang bag-pack.
Wala namang maipakitang mga dokumento o lisensya ang suspek kayat agad itong ipinaaresto sa mga otoridad na nasa bisinidad ng Pasay City Hotel.
Tumangging magbigay ng pahayag si Datuin na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.