Pangkaraniwan para sa ilan sa atin ang pagbibigay ng mababang rating at negative review sa isang negosyo kung hindi tayo satisfied sa produkto o serbisyong natanggap natin mula sa kanila.
Ito umano ang ginawa ng British national na si Alexander, 21-anyos na nakatira sa Thailand.
Sa kasamaang palad, humantong sa kanyang pagkaaresto ang pag-iwan niya ng one-star rating sa isang Italian restaurant.
Batay sa imbestigasyon, ginagawa ni Alexander na shortcut ang restaurant paalis at pabalik sa kanyang nirerentahang apartment simula pa noong 2022.
Ngunit pinagbawalan siya ng may-ari ng restaurant dahil basta lamang itong dumadaan sa loob ng establisyemento at nakakaistorbo na sa ibang customers.
Sinabihan din siya ng may-ari na dapat sa kalsada dumaan at hindi sa loob ng restaurant.
Dahil dito, nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa.
Sa paglipas ng panahon, napansin ng may-ari na unti-unting bumabagsak ang rating ng kanilang restaurant sa Google, mula 4.8 stars na naging 3.1 na lamang.
Dumami kasi ang nagbibigay ng one-star rating sa restaurant at hinala nila, pakulo ito ni Alexander at ng kanyang mga kaibigan.
Dahil naapektuhan ang reputasyon ng restaurant at ang kita ng kanilang negosyo, sinampahan nila si Alexander ng kasong may kaugnayan sa “entering false computer data likely to cause damage to the general public.”
Itinanggi naman ni Alexander ang mga akusasyon at binigyang-diin na inosente siya.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng Central Investigation Bureau at Royal Thai Police ang dayuhan at kung mapatunayang guilty, posible siyang makulong sa loob ng dalawang taon.
Bagama’t may karapatan tayong magpahayag ng opinyon at feedback, mahalaga pa ring isipin ang magiging epekto nito sa iba. Siguraduhing makatotohanan at makatarungan ang iniiwang reviews at ratings upang maiwasan ang ganitong problema.