Arestado ang isang lalaking nanakit at ibinitin pa patiwarik ang kanyang sariling anak habang kinukuhanan pa ng video sa Santa Rosa, Laguna.
Ayon sa suspek, ginawa nya ang naturang pagmamalupit upang ipadala at ipam-blackmail ang video, araw mismo ng pasko, sa umalis nyang kinakasama na ina ng biktima.
Kitang-kita sa kumalat na video na umabot na sa mahigit dalawang milyong views ang ilang beses na pananampal at panununtok ng ama sa tiyan at parteng ari ng biktima.
Paliwanag ng suspek, tuliro anya ito at hindi inaasahang hahantong ang kanyang balak sa ganoong pangyayari.
Humingi naman ng tawad ang ama sa kanyang anak at inamin ang nagawang pagkakamali.
Nasa pangangalaga naman ng city social welfare and development ang bata at hindi muna ibabalik sa ina habang isinasagawa pa ang imbestigasyon.
Samantala, kasunod nito ay magsasagawa naman ng masusing pag-aaral at imbestigasyon ang Commission on Human Rights (CHR) – Region 4-A sa tinawag nilang karumal-dumal na pagtrato ng ama sa kanyang anak.
Binigyang diin ni CHR – Region 4-A director rexford guevarra na walang bata ang marapat na pagmalupitan ng kanyang sariling ama sa araw pa mismo ng pasko.
Tiniyak din ng CHR na mabibigyan ng karampatang tulong at lunas ang batang biktima.