Arestado ang isang lalaki matapos matuklasan ang P6.8 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isang package na ipinadala sa kanya sa pamamagitan ng isang courier service sa Cebu City.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 7, ang items na galing Malaysia ay idineliver sa suspek na si alyas “Jayson” sa Barangay Cogon Ramos.
Unang natunugan ang shipment sa isang warehouse ng isang cargo forwarder sa Clark International Airport kaya’t ikinasa ang tinatawag na ‘controlled delivery operation’.
Nabatid na ang droga ay inilagay sa ilalim ng package na naglalaman ng dalawang frying pans at isang air fryer at binalot ng transparent tape.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.