Kung may natitira ka na lamang na tatlong buwan upang mabuhay sa mundo, ano ang gagawin mo?
Ito ang naging tanong ni Alex Parra sa kanyang sarili. Sa edad lamang na 15 years old, na-diagnose ang noo’y junior high school student-athlete ng stage 2 osteosarcoma, isang uri ng bone cancer.
Ayon sa mga doktor, 40% ang kanyang survival rate. Dahil hindi nagre-respond sa chemotherapy ang kanyang cancer, napagdesisyunan niyang ipaputol ang kanyang binti.
Matapos ang amputation, limang buwang sumailalim si Alex sa chemotherapy at natutong maglakad gamit ang kanyang prosthetic leg.
Akala niya, ligtas na siya mula sa kamatayan; ngunit ilang araw lamang matapos ang kanyang high school graduation, napag-alamang mayroon naman siyang stage 4 lung cancer. At sa pagkakataong ito, sinabihan siyang tatlong buwan na lamang siyang mabubuhay dahil 10% ang survival rate ng kanyang karamdaman.
Lumikha si Alex ng isang bucket list, ngunit imbes na gawin ang mga nakalista rito, iniimagine niya lamang ito.
Nang ma-diagnose muli sa cancer sa ikatlong pagkakataon, dito na niya napagtanto na malapit na talaga siyang mamatay.
Inipon niya ang kanyang natitirang lakas at tapang upang gawin na rin sa wakas ang mga bagay na nasa kanyang bucket list.
Sa sobrang saya, hindi niya namalayan ang oras; hanggang umabot na sa puntong isang taon na ang nakalipas matapos siyang sabihan ng mga doktor na may tatlong buwan na lamang siya upang mabuhay.
Sa kasalukuyan, buhay na buhay si Alex at patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa mga katulad niyang nakararanas ng malubhang karamdaman.
Napakaikli lang ng ating buhay. Huwag itong sayangin sa takot at panghihinayang.