Nagreresulta sa mainit na diskusyon sa pagitan ng mga babae at lalaki kung sino nga ba ang dapat na manlibre sa isang date. Naging patunay nito ang nating experience ng isang Russian man nang tumanggi ang kaniyang ka-date na maghati sila sa bill.
Ang dahilan ng babae? Alamin.
Dalawa lang naman ang maaaring maging resulta ng isang date. Posibleng makabuo ng magandang koneksyon ang dalawang tao at masundan pa ito ng isa pang date, o di kaya naman ay mauwi na lang sa hindi pagpapansinan o pagdedesisyon na maging magkaibigan na lamang.
Pero para sa isang bente otso anyos na lalaki sa Moscow, Russia, ang kaniyang first date ay nauwi sa pagsasampa ng reklamo!
Bago ang nasabing date, nagkakilala muna ang dalawa sa social media at doon pansamantalang nag-usap at kinilala ang isa’t isa bago naisipang magkita nang personal.
Napagdesisyunan nila na magkita sa isang kapehan sa Mira Avenue sa Moscow.
Naging maganda naman daw ang takbo ng kanilang meet up, ngunit bigla na lang nag-iba ang ihip ng hangin nang dumating ang kanilang bill.
Nag-suggest ang hindi pinangalanang lalaki na hatiin ang bill pero agad itong inalmahan ng babae at sinabing mas maraming inorder na pagkain at inumin ang lalaki kung kaya naman marapat lang na bayaran niya ito nang buo.
Nauwi sa pag-wawalk out ng babae ang ilang minuto nilang pagtatalo at naiwan sa lalaki ang bill.
Hindi naman nagpadaig ang lalaki sa ginawa ng babae at hindi hinayaan na umalis ito nang ganun-ganon na lang, kung kaya dumiretso ang lalaki sa police station upang magsampa ng reklamo sa kaniyang runaway date.
Samantala, hanggang ngayon ay hindi na nagkaroon pa ng balita kung paano nga ba talaga nagtapos ang masalimuot na date ng dalawa at kung ano ang nangyari sa isinampang reklamo.
Para sa’yo, sino ba talaga ang dapat na magbayad ng bill sa isang date?