Naantig ang isang lalaki mula sa Lala, Lanao del Norte matapos ilibre ng isang pulubi.
Kwento ng content creator na si Eryck Paolo, 2015 pa lang ay kaibigan na niya ang pulubing si ate Membot.
Madalas tumambay noon si ate Membot sa isang bakery na malapit sa pinagsasanayan ng sayaw nina Eryck at ng kanyang grupo.
Hanggang sa isang araw, inabot ng gutom si Eryck dahil madaling araw nang natapos ang kanilang practice. Wala na ring bukas na tindahan sa oras na iyon.
Hindi nagdalawang-isip si ate Membot na ibigay kay Eryck ang kanyang naitabing tinapay. At simula noon, naging matalik na magkaibigan na ang dalawa.
Sinuklian ni Eryck ang kabutihang ipinakita sa kanya ni ate Membot. Nang magkaroon siya ng sariling sahod, tinutulungan at binibigyan niya ng pagkain ang pulubi, maging noong birthday nito. Madalas pa silang magkasabay kumain.
Kamakailan lamang, nakatambay sa kainan si Eryck. Hindi siya makabili ng pagkain dahil wala siyang barya. Saktong napadaan dito si ate Membot at tinanong ang lalaki kung ano ang gusto nitong kainin at inumin. Nang pabirong tinanong ni Eryck kung ililibre raw ba siya nito, ang sagot ng pulubi, “Oo, sagot ko na ngayon”.
Patunay ang kwento nina Eryck at ate Membot na hindi nasusukat ng materyal na bagay at walang hinihinging kapalit ang tunay na pagkakaibigan. Sa simpleng kabutihan at pagmamalasakit, nabubuo ang isang koneksyon na mas malalim kaysa anumang yaman.