Isang kakaibang krimen ang nasaksihan ng mga residente ng Aichi Prefecture sa Japan.
Mayroon kasing isang lalaki rito na nagnanakaw ng sapatos ng mga babae at saka ito pinapalitan ng bagong pares!
Isang music teacher ang nakapansin na misteryosong naging brand new ang kanyang iniwang sapatos sa kanyang locker.
Inireklamo niya ito sa mga awtoridad. Nang mag-imbestiga ang mga pulis ng Nagakute City, dito nila napag-alamang marami palang kababaihan sa lugar ang nanakawan ng sapatos, ngunit napalitan din naman ang mga ito ng bago.
Sa tulong ng mga biktima, natunton ng mga pulis si Hiroaki Katsu na noo’y 33-anyos at nagtatrabaho sa opisina. Nakita nila sa apartment ng lalaki ang mahigit 20 pares ng pambabaeng sapatos—at lahat ng mga ito, gamit na.
Nang tanungin ng mga pulis kung bakit siya nagnanakaw ng mga gamit na sapatos, ang sagot niya: gusto niya itong amuyin.
Upang gawin ang krimen, naghahanap-hanap ng shoe racks sa iba’t ibang lungsod si Katsu. Kapag may magustuhan siyang sapatos, kukunan niya ito ng litrato at saka maghahanap ng kapareho nito online.
Bagamat inaresto ng mga pulis ang lalaki, tumanggi ang mga biktima na ituloy ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya dahil hindi sila kumportable sa insidente. Maging ang music teacher, binawi rin ang kanyang reklamo.