Binigyan ng isang lalaki mula sa Cali, Colombia ng bagong kahulugan ang “shotgun wedding” matapos mag-propose habang may nakatutok na baril sa kanyang girlfriend.
Sa video na nag-viral sa social media, makikita ang pulang kotse ng magkasintahan na patawid sana sa intersection.
Bigla itong hinarangan ng ilang lalaking sakay ng dalawang motorsiklo na tila nanakawan ang magkasintahan.
Pinababa nila ang dalawa mula sa kotse, at nang makalabas na ang babae, tinutukan nila ito ng baril.
Pwersahang pinaluhod ng mga lalaki ang boyfriend at sa hindi inaasahang pangyayari, bigla siyang naglabas ng singsing at nag-propose sa babae.
Nagpalakpakan at naghiyawan naman sa tuwa ang mga lalaking umatake sa kanila.
Nang ma-realize ng girlfriend na prank lang ang nangyaring armed robbery, pabiro nitong hinampas-hampas ang kasintahan.
Gayunman, nakuha pa rin ng lalaki ang matamis na “oo” ng kanyang girlfriend.
Marami man ang natuwa sa kakaibang proposal na ito, marami ring hindi nagustuhan ang prank na ito.
Ayon sa ilang netizen, nino-normalize nito ang karahasan. Napansin naman ng iba na tila muntik nang atakihin sa puso ang babae.
Delikado at maaaring magdulot ng matinding takot ang ganitong uri ng prank. Gustuhin man nating mag-stand out at magbigay ng hindi malilimutang proposal para sa ating minamahal, dapat pa rin nating unahin ang kanilang kaligtasan at kapakanan.
Ngunit sa kabilang banda, dahil sa ginawang prank ng lalaki sa video, makatitiyak siyang sasamahan siya ng kanyang fiancé, “in sickness and in health, in ambush and in armed robberies.”