Para lang itago ang pangalawa sa kaniyang girlfriend, isang 35-year-old Australian man mula Wollonggong ang nakaisip ng kakaiba at panibagong gimmick na umabot pa sa korte.
Ang buong kwento, ito.
Bisperas ng bagong taon nang makatanggap ang isang babae ng message na nagsasabing ang boyfriend niya raw na si Paul Iera ay na-kidnap at pinangakuan na ibabalik nang ligtas kinabukasan.
Dahil sa pangamba at pag-aalala, agad itong inireport ng babae sa mga pulis at mabilis naman na nagpadala ng mga tauhan ang otoridad para hanapin ang lalaki.
Ngunit, ang tunay na kwento pala sa likod nito ay hindi totoong na-kidnap ang lalaki. Bago ito nangyari, nagpaalam pa raw si Paul sa kaniyang girlfriend na makikipagkita sa kaniyang “finance guy.”
Pero ito pala ay ginamit niya lang na rason para kitain ang kaniyang mistress. Si Paul at ang other woman lang din ang nag-text sa kaniyang girlfriend na ipinalabas na siya ay na-kidnap para magkaroon pa sila ng oras nang magkasama.
Kinaumagahan naman ng January sa kalagitnaan ng pagsasagawa ng high-risk vehicle stop, ipinahinto ng pulis ang van ni Paul at nakita na ligtas ito kasama ang mistress.
Sinubukan niya pang kumbinsihin ang mga opisyal na tunay ngang na-kidnap siya at mga Middle-Eastern daw ang salarin ngunit pinakawalan din siya.
Napansin naman ang inconsistencies sa kwento nito kung kaya naman pagkalipas ng labindalawang araw ay inaresto ito at kinasuhan ng false accusation with the intent to subject another person to investigation.
Dahil dito, pitong taon sanang makukulong ang lalaki ngunit matapos aminin sa korte ang tunay na kwento ay pinatawan na lang ito ng 350 hours of community service at ipinagbayad na lamang ng $AUD 16,218.11 sa New South Wales government bilang kabayaran sa 200 hours na paghahanap sa kaniya na katumbas ng taxpayer money na nagkakahalagang $25,000.