Hanggang saan ka kayang dalhin ng pag-ibig?
Ang isang lalaking ito sa India, nadala ng pag-ibig sa examination room ng kanyang kasintahan!
Suot ang ilang accessories at makapal na lipstick, nagpanggap bilang babae si Angrez Singh upang kumuha ng Multipurpose Health Workers Exam ng kanyang girlfriend.
Ngunit mabilis na nabisto ang disguise ni Singh dahil hindi nag-match ang kanyang fingerprint sa biometric device ng Baba Farid University of Health Sciences. Dito na rin natuklasan ang mga gamit niyang pekeng ID.
Agad na tumawag sa mga awtoridad ang exam proctors upang ipaaresto ang lalaki.
Ni-reject din ang test application ng kanyang kasintahan at maaaring hindi na pahintulutan pang kumuha ng health worker’s exam sa hinaharap.
Gaya ng inaasahan, napukaw ng insidenteng ito ang atensyon ng mga netizen na pabirong nagsabing relationship goals ang dalawa.
Amusing man para sa netizens, isang paalala ang pangyayaring ito na hindi kailanman dapat gawing rason ang pag-ibig upang sumuway sa batas.