Upang makaiwas sa pagbabayad ng mahigit $100,000 o P5.8 million na child support sa kanyang dating asawa, ipinalabas ni Jesse Kipf mula sa Kentucky, USA na patay na siya.
Na-access ni Jesse ang death registry system ng Hawaii gamit ang login details na nakuha niya mula sa isang doktor. Dito, gumawa siya ng file upang maipasok ang sarili sa death registry system.
Siya rin mismo ang lumagda sa kanyang death certificate gamit ang digital signature ng doktor.
Inamin din ni Jesse na napapasok niya ang iba pang government websites at nagawa niyang ilista ang sarili bilang patay sa mga database nito.
Nahatulan siyang guilty ng computer fraud at identity theft at makukulong ng pitong taon.
Bukod pa sa pagbibigay ng child support sa kanyang dating asawa, kailangan niya na ring magbayad ng $79,000 o P4.6 million sa government agencies at maging sa iba pang private businesses na hinack niya.
Patunay ang kwento ni Jesse Kipf na ang pagtakbo mula sa obligasyon ay magdudulot lang ng mas malaking problema sa dulo. Kaya laging maging responsable, lalo na pagdating sa pamilya.