Ang masakit at mahirap tanggapin na katotohanan kapag nawalan ng mahal sa buhay, nadagdagan pa ng pisikal na sakit nang madisgrasya at mahulog din sa hukay ang mga maghahatid sana sa isang lalaki sa kaniyang huling hantungan.
Kung ano ang buong pangyayari, eto.
Sa isang video, mapapanood ang tipikal na tagpo sa isang libing kung saan makikitang hinahatid ng kaniyang mga kaanak ang yumao sa kaniyang huling hantungan.
Tinatayang walong lalaki ang makikitang nagbubuhat sa kabaong papunta sa platform kung saan unti-unti itong ibababa para sana ilibing.
Ngunit sa kasamaang palad ay bigla na lang gumuho ang mga kahoy na ginamit para buohin ang platform, dahilan para mapa-sama at mahulog din ang mga pallbearer o ‘yung mga nagbubuhat sa kabaong pababa sa hukay.
Nangyari ito sa libing ni Benjamin Aviles sa Greenmount Cemetery na binawian ng buhay dahil sa komplikasyon sa puso habang nasa kaniyang bahay sa North Philadelphia.
Ayon sa stepdaughter ni Aviles na si Maribelle Rodriguez, nagtamo ng injuries ang mga nahulog na lalaki sa kanilang mga binti, mga kamay, at likod.
Kasama rin sa mga ito ang anak ni Aviles na na-stuck at pumailalim pa sa kabaong.
Dagdag pa ni Rodriguez, dapat daw ay magkaroon ng reimbursement sa mga ibinayad nila sa sementeryo at funeral home at dapat din daw na humingi ang mga ito ng tawad.
Gayunpaman, sinabi naman ng presidente at owner ng Greenmount Cemetery na aksidente ang nangyari at nakikisimpatya siya sa naiwanang pamilya.
Ikaw, papayag ka ba na magkaroon ng ganitong aberya sa pagbibigay ng respeto sa huling sandali ng mahal mo sa buhay?