Isang babae ang nagreklamo sa korte matapos hindi pumayag ng kaniyang ex-boyfriend na ibalik ang ibinigay niyang pera para humingi ng sorry matapos niyang mangaliwa.
Kung ano ang buong kwento, ito.
Sa Shanghai, China, ang mag-ex na kinilalang sina Li at Xu ay natapos ang relasyon sa isang magulong paraan.
Ito ay matapos makipag-break ni Li sa kaniyang ex-girlfriend na si Xu dahil sa pagkakadiskubre na mayroon pala itong affair sa kaniyang pamangkin.
Ngunit hindi natuloy ang kanilang paghihiwalay dahil humingi ng tawad si Xu sa pamamagitan ng isang sulat kung saan inamin niya na makailang beses na siyang nagloko at sinabi pa na itatama niya ang kaniyang pagkakamali.
Kaakibat ng sulat na ito ay ang pagpapadala ni Xu ng 300,000 yuan o P2.4 million sa bank account ni Li.
Ilang taon matapos patawarin ni Li ang pagtataksil ng girlfriend, nalaman niya na kasabay ng pagpapatuloy ng kanilang relasyon ay ang pagpapatuloy din ng affair ni Xu sa kaniyang pamangkin.
Matapos noon ay nagdesisyon si Li na tuluyan nang makipag-break kay Xu ngunit nag-demand naman ang babae na ibalik sa kaniya ang binigay niyang pera na siya namang tinanggihan ni Li.
Dahil dito, dinala na ni Xu sa korte ang argumento sa pagitan nila ng kaniyang ex-boyfriend ngunit hindi ito pinanigan ng korte sa kadahilanan na ang pera na iyon ay kusang ibinigay ni Xu.
Ikaw, anong masasabi mo sa mala-pelikulang relasyon na ito?